Manila, Philippines – Inaprubahan nang muli ng Senado ang bicameral conference committee o bicam report ukol sa expanded maternity leave bill.
Noong Oktubre ay niratipikahan na ng Senado ang bicam report sa expanded maternity.
Pero binawi ang ratipikasyon dahil sa probisyon sa tax exemption na ipinasok ng Kamara na hindi naman kasama sa inaprubahan sa magkahiwalay na plenary sessions ng dalawang kapulungan na tinutulan din ng Department of Finance (DOF).
Ayon kay Committee on Women, Children and Family Relations Chairperson Senadora Risa Hontiveros, natanggal na mgayon ang isiningit na probisyon ukol sa tax exemption ng maternity leave benefits.
Base sa panukala ay magiging 105 araw na ang babayarang maternity leave ng mga nagtatrabahong ina kung saan ang pitong araw nito ay maaring ilipat sa mister.
Nakapaloob din sa panukala ang karagdagang 15 araw na paid maternity leave para sa mga single mother.