APRUBADO | Financing program para sa mga MSMEs, palalakasin

Manila, Philippines – Aprubado na sa Kamara ang panukala para sa lalo pang pagpapalakas, pag-unlad at pagdami pa ng mga Micro, Small at Medium Enterprises (MSMEs) sa bansa.

Sa botong 212 ay naipasa sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill 8714 na layong lalong palakasin ang financing programs ng mga MSMEs.

Paliwanag ng isa sa may-akda ng panukala na si Cagayan de Oro City Representative Maximo Rodriguez, 62.8% ng kabuuang trabaho sa lahat ng business establishments sa bansa noong 2014 ay mula sa MSME Sector.


Sa nasabing bilang, 90.3% ng total jobs ay mula sa micro enterprises, 9.3% sa small enterprises habang 0.4% naman sa medium enterprises.

Sinabi pa ng mambabatas, sa kabila ng kahalagahan ng MSME sa ekonomiya ng bansa, malaking problema na kinakaharap ng mga ito ang kakulangan ng pinansyal at suporta mula sa gobyerno.

Sa ilalim ng panukala, binibigyang mandato ang gobyerno at mga kagawaran at tanggapan na maglaan ng 10% mula sa procurement ng goods at services para sa financing programs ng mga MSMEs sa Pilipinas.

Pinapalawig din ang membership sa Micro, Small and Medium Enterprises Development (MSMED) Council kung saan kasama na dito ang finance secretary.

Magkakaroon din ng Small Business (SB) Corporation na may 13 Board of Directors kasama dito ang presidente ng Government Service Insurance System (GSIS) at presidente ng Social Security System (SSS).

Facebook Comments