Manila, Philippines – Aprubado na sa pinal na pagbasa ng Senado ang panukalang Bansamoro Basic Law (BBL) na unang sinertipikahang urgent bill ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa botohan, 21 senador ang pabor at walang tumutol.
Hindi nakaboto si Senador Manny Pacquiao dahil absent habang si Senador Leila De Lima ay nakakulong.
Umantabay sa panukalang ito ay mga miyembro ng Bangsamoro Transition Commission (BTC) at ang Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Una nang lumusot kahapon sa ikatlo’t huling pagbasa ng Kamara ang BBL.
Dahil dito, dadalhin na ito sa bicameral conference committee sa Hunyo at Hulyo kung saan pagkakasunduin ang bersyon ng Kamara at Senado.
Inaasahang mapipirmahan ni Pangulong Duterte ang BBL para maging ganap na batas sa mismong araw ng kaniyang ikatlong State of the Nation Address o SONA sa July 23.
Sa ilalim ng BBL, bubuwagin ang kasalukuyang ARMM at bubuo ng Autonomous Bangsamoro Region.