Manila, Philippines – Lusot na sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara ang panukalang foreign decree of termination of marriage.
Sa botong 202-3, inaprubahan ang house bill 7185 na nagbibigay pahintulot sa mga Pilipino na makipag-divorce sa dayuhan nilang asawa.
Aamyendahan ng nito ang executive order 209 o ang ‘Family code of the Philippines.’
Kapag naisabatas, hindi na ka-kailanganin pa ng judicial recognition of a foreign decree of termination of marriage para muling makapag-asawa ang Filipino spouse.
Sa ilalim kasi ng kasalukuyang batas, ikinukonsidera pa ring kasal ang isang Filipino spouse kahit nakakuha na ng divorce decree sa kanyang bansa ang foreign spouse.
Ibig sabihin, mananatili ang bisa ng kanilang kasal hangga’t walang judicial decree of nullity of marriage sa korte ng Pilipinas.
Kapag naging ganap na batas, sasakupin din nito ang mga kasal na idineklarang wala nang bisa sa ibang bansa kahit na nangyari ito bago naging epektibo ang bagong batas.