Sa botong 251-Yes, 21-No at 2-Abstention ay tuluyan na ngang nakalusot sa Mababang Kapulungan ang Economic Charter Change na pangunahing iniakda ni Speaker Lord Allan Velasco.
Nakuha ng Economic Cha-Cha ang 3/4 na kinakailangang boto para maipasa ito sa Kamara.
Sa panukalang Economic Charter Change ay isisingit ang katagang “unless otherwise provided by law”, para luwagan ang limitasyon sa foreign ownership sa natural resources, public utilities, educational institutions, media at advertising sa Pilipinas.
Inaamyendahan naman dito ang Articles 12 (National Patrimony and Economy), 14 (Education, Science, Technology, Arts, Culture and Sports) at 16 (General Provisions).
Hindi naman kasama rito ang Section 7 ng Article 12 patungkol sa pagmamay-ari ng lupa ng mga dayuhan.
Una nang sinabi ni House Committee on Constitutional Amendments Chair Alfredo Garbin Jr., na sa pamamagitan ng Economic Cha-Cha ay mahihimok ang pagpasok sa bansa ng foreign direct investment na makatutulong para makabawi ang ekonomiya ng Pilipinas mula sa epekto ng COVID-19 pandemic.