Manila, Philippines – Aprubado na ng House Committee on Basic Education ang House Bill 58 o ang `Teacher Protection Act`.
Giit dito ni ACT Teachers Representative Antonio Tinio, kung may republic act no. 7610 na mas kilala na child abuse law, dapat din aniya na mayroong proteksyong maibibigay ang gobyerno para sa mga guro.
Sa ilalim ng panukala nakasaad na dapat mayroong malinaw na regulasyon para sa tamang asal at pagbibigay respeto ng mga estudyante sa kapwa din estudyante, sa mga guro at iba pang school staff o faculty members ito man ay habang may klase o sa loob o labas man ng paaralan.
Ang regulasyon na ito ay mahigpit na ipapatupad ng estado sa lahat ng mga public schools.
Batid ni Tinio na may-akda din ng panukala, na binibigyan ng `misconception` ng mga estudyante ang pagdidisiplina ng mga guro bilang `child abuse` dahilan kaya hindi na magawang madisiplina ng mga guro ang mga estudyante.
Dahil dito, inaatasan ng panukala ang Department of Education (DepEd) na mag-isyu ng manual kung saan nakalagay dito ang mga rules at regulasyon ng paaralan, mga paraan sa pagdidisiplina sa mga estudyante, at ang karapatan at responsibilidad ng mga mag-aaral sa loob o labas man ng paaralan.