APRUBADO | Panukalang amyenda sa SSS charter, lusot na sa bicam

Manila, Philippines – Inaprubahan na ng bicameral conference committee ang bersyon ng Senado sa panukalang nagrerebisa sa charter ng Social Security System o SSS.

Ayon kay Senator Richard Gordon na siyang pangunahing may-akda ng senate bill number 1753, sa bagong charter ay mas magiging malawak pa ang kapangyarihan ng SSS upang matiyak na magiging pangmatagalan ang katatagan ng pondo nito.

Target din ng panukala na pag-ibayuhon ang bilang ng mga Overseas Filipino Workers o OFWs na saklaw nito na hindi lalampas sa 60-taong gulang at kasamang kikilos dito ang Department of Foreign Affairs at ng Department of Labor and Employment.


Itinatakda din na ang mga miyembro ng SSS board ay dapat abogado o may alam sa management, banking o insurance at magkakaroon sila ng limitadong termino.

Sa ilalim din ng bagong repormang charter ay pinapayagan ang SSS na ipuhunan ang kanilang reserved funds pero dapat ay matiyak na protektado ang pondo at kikita ito.

Taglay din nito ang pagkakaloob ng 2-buwang insurance para sa mga walang trabaho na may 36 buwan ng kontribusyon.

Pero ayon kay Senate President Pro Tempore Ralph Recto, pwede lang pakinabangan ang nasabing benepisyo isang beses kada tatlong taon.

Facebook Comments