Manila, Philippines – Aprubado na sa Kamara ang panukalang amyendahan ang Anti-Wiretapping Law ng bansa.
Sa botong 216, naaprubahan ang House Bill 8378 na layong amyendahan ang Republic Act 4200 o ang Anti-Wiretapping Law.
Kapag naisabatas, pasok na sa puwedeng i-wiretap ng mga awtoridad ang lahat ng uri ng komunikasyon, mapa-oral, wire, radyo, digital o electronic private communication.
Puwede na ring i-wiretap ang mga mapaghihinalaang sabit sa ilang krimen gaya ng ilegal na droga, kudeta, sabwatan para magkudeta, piracy, katiwalian, syndicated illegal recruitment at money laundering.
Ayon kay Surigao del Norte Representative Robert Ace Barbers, chairperson ng House Committee on Dangerous Drugs, malaki ang maitutulong ng panukala sa paghahanap ng ebidensiya para sa korte.
Pero paglilinaw ni Barbers, hindi pinadadali ng panukala ang pag-wiretap dahil kailangan pa ring kumuha muna ng basbas ng korte.
Kailangan din aniyang burahin ng mga telecommunication companies ang mga rekord ng usapan na higit isang taon na maliban kung may utos ng korte.
Nabatid taong 2016 pa nakabinbin sa Senado ang bersiyon ng nasabing panukalang batas.