APRUBADO | Panukalang palakihin ang plaka, lusot sa final reading ng Kamara

Manila, Philippines – Aprubado na sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara ang panukalang batas na nag-aatas na lakihan ang mga plaka ng mga motorsiklo sa bansa para hindi magamit sa krimen.

Sa botohan, 219 kongresista ang pumabor sa House Bill 8419 habang walang tumutol.

Nakapaloob sa panukala ang pag-aatas sa Land Transportation Office (LTO) na maglabas ng mga bagong plaka ng mga motorsiklo na puwedeng mabasa kahit sa layong 12 metro.


Pinahintulutan din ang LTO na magkaroon ng data base ng mga inirerehistrong motorsiklo na maaaring makatulong sa isasagawang mga imbestigasyon.

Inaatasan naman ang mga may-ari ng motorsiklo na ipagbigay-alam sa LTO sa loob ng limang araw kapag naibenta nila ang kanilang sasakyan.

Kapag hindi ito ginawa ng mag-ari ng motorsiklo, pagmumultahin sila ng mula P5,000 hanggang P20,000.

Magmumultahin din ang mga rider na hindi gagamit ng mas malaking plaka at papatawan ng P5,000 multa sa unang paglabag, P10,000 sa ikalawang pagkakataon at P15,000 naman sa ikatlong paglabag at kakanselahin din ang kaniyang driver’s license.

Oras na maisabatas ang panukala, dapat palitan ng LTO ng mas malaking plaka ang motorsiklo, anim na buwan mula sa pagpaparehistro nito.

Magkakaroon naman ng one-year transition period para magawa ang mga bagong plaka.

Facebook Comments