APRUBADO | Sanofi Pasteur, nanindigan na inaprubahan ng World Health Organization ang paggamit sa Dengvaxia vaccine

Manila, Philippines – Nanindigan ang manufacturer ng Dengvaxia sa naunang pahayag na inaprubahan ng World Health Organization (WHO) sa paggamit ng nasabing bakuna sa “highly endemic” countries.

Ayon sa Sanofi Pasteur, nakita mismo ng WHO, base na din sa findings ng Strategic Advisory Group of Experts (SAGE) on immunization ang malaking tulong ng Dengvaxia laban sa dengue.

Ipinabatid pa ng Sanofi na ang inilatag na clinical data hinggil sa Dengvaxia noong Abril 2016 ay nagsilbing basehan para sa individual assessment na isinagawa ng SAGE sa naturang anti-dengue vaccine at kanilang rekomendasyon sa WHO.


Una nang itinanggi ng WHO na inirekomenda nito ang Dengvaxia para maging bahagi ng national immunization programs.

Batay sa inilabas na position paper ng WHO noong Hulyo ng nakalipas na taon, hindi kabilang ang dengvaxia sa kanilang inirekumendang bakuna at hindi din nila ito inirekumenda sa mga bansa para isama sa kanilang immunization programs.

Binigyang-diin pa ng WHO na nauna nang nagpasya ang Department of Health (DOH) ng Pilipinas para ipakalat at gamitin ang naturang bakuna bago pa sila maglabas ng abiso o payo hinggil dito.

Facebook Comments