Manila, Philippines – Mistulang isinisi nina dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo at Atty. Estelito Mendoza sa Aquino administration ang kinakaharap na sigalot ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Ito ay matapos ilabas ni Mendoza ang isang primer na may titulong “The Space or Maritime Area of the Philippines” na nagpapaliwanag sa bawat bahagi ng karagatang teritoryong sakop ng Pilipinas.
Ayon kay Atty. Mendoza, noong administrasyon ni dating Pangulong Noynoy Aquino nagsimula at tumindi ang problemang kinakaharap ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Sa katunayan, tumindi aniya ang pagtatayo ng China ng mga isla at panggigipit sa mga mangingisdang Pilipino matapos na maghain ang Pilipinas ng reklamo sa United Nations Convention on the Law of the Sea o UNCLOS.
Matatandaan din aniyang kahit na ipinasa sa ilalim ng administrasyong Arroyo ang Republic Act 9522 o ang Archipelagic Baselines of the Philippines ay walang pag-alma ang China.
Sa katunayan, nagsagawa pa ng tinatawag na joint seismic undertaking ang Pilipinas at China para pagyamanin ang natural resources sa West Philippine Sea.