Aralin sa kasaysayan ng bansa, iginiit na maibalik sa high school

Kinalampag ng ACT-Teachers Partylist ang liderato ng Kamara na madaliin ang pagpapatibay sa House Bill 8621 na may mandatong isama sa high school curriculum ang kasaysayan ng Pilipinas.

Ang panawagan ay kasunod ng pagtawag ng mga kabataan sa isang reality television show sa tatlong paring martir na “MAJOHA” sa halip na “GOMBURZA.”

Iginiit ni ACT-Teachers Partylist Rep. France Castro na hindi kasalanan ng mga kabataang contestants kung hindi nila masagot ng tama ang isang “basic” na tanong kaugnay sa Philippine history gayong ang araling ito ay inalis nang ipatupad ang K-12 curriculum noong 2013.


Tahasan umanong nilusaw ng K-12 curriculum ang mga subject na mahalaga sa paghubog ng kamalayan sa kultura at kasaysayan ng bansa.

Sinasabi rin aniya ng Department of Education (DepEd) na bahagi pa rin ng kasalukuyang curriculum ang Philippine history pero ito ay isiningit lamang sa ilang mga aralin.

Iginiit ng kongresista, ang mas kailangan ngayon ay ang hiwalay na asignatura na nakasentro hindi lamang sa nilalaman ng kasaysayan kundi ang pagtiyak na mauunawaan ng mga mag-aaral ang implikasyon o epekto ng mga pangunahing pangyayari sa kasaysayan sa pang-araw-araw nating pamumuhay.

Bukod dito, hinihiling din ng mambabatas ang pagapruba sa House Bill 223 na nagbabalik sa Filipino at Panitikan subject sa kolehiyo.

Facebook Comments