Ipinasasama na sa aralin ng mga estudyante ang pag-aaral tungkol sa pandemya, epidemya, at lahat ng uri ng public health crisis.
Sa Senate Bill 918 ni Senator Sonny Angara, ipinasasama ang pagtuturo tungkol sa pandemya, epidemya at mga public health crisis sa curriculum ng primary at secondary schools.
Ipinunto ni Angara na mahalagang maagang mabigyan ng edukasyon ang mga kabataan tungkol sa krisis pangkalusugan nang sa gayon ay may kaalaman na ang mga ito sa pag-iingat, pagtugon at pagkontrol sa pagkalat ng nakakahawang sakit.
Sinabi ni Angara na sa nangyaring COVID-19 pandemic ay nakita na hindi handa ang bansa sa pandemya at sa krisis pangkalusugan.
Nakapaloob sa panukalang batas na sa pagtuturo ukol sa health crisis ay ipaliliwanag sa mga mag-aaral ang epekto, paghahanda at pagiging maagap laban sa pagkalat ng sakit.
Inaatasan naman ang Department of Education (DepEd) na makipag-ugnayan sa Department of Health (DOH) at sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) para sa pagtuturo ng public health crisis na iaayon sa edad at grade-level ng mga mag-aaral.