Arawang sahod ng mga manggagawa sa NCR para makapamuhay nang disente, dapat umabot sa ₱1,106 ayon sa IBON Foundation

Upang makapamuhay nang disente, kailangan ngayon ng isang manggagawa sa National Capital Region na sumahod ng ₱1,106 kada araw.

Ito ay makaraang pumalo sa 6.1% ang inflation rate o bilis ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo sa bansa habang 5.6% naman sa Metro Manila.

Ibig sabihin, ayon kay IBON Foundation Executive Director Sonny Africa, kulang na kulang ang ibinibigay na daily minimum wage sa mga manggagawa sa NCR na kasalukuyang nasa ₱570 lamang.


“Sa pag-announce ng 6.1% inflation for the Philippines tapos 5.6% para sa NCR, umabot na ng ₱1,106 ang family living wage sa isang pamilya, so, ang layo-layo dun sa ₱570 na binigay, kalahati lamang yun,” ani Africa sa interview ng DZXL 558 RMN Manila.

“Hindi talaga sumabay sa pagtaas ng presyo ng bilihin. Parang, mababa na nga dati yung sahod, hindi pa siya sumabay, lalo siyang nahuli,” dagdag niya.

Nito lamang Hunyo nang aprubahan ng National Wages and Productivity Board ang iba’t ibang halaga ng taas-sahod sa lahat ng rehiyon sa bansa pero sinabayan naman ito ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at sunod-sunod na oil price increase.

Facebook Comments