Arbitral at Supreme Court Ruling, ipinakokonsidera ng Senado bago pumasok ang bansa sa joint oil and gas exploration sa pagitan ng China

Ipinakokonsidera ni Committee on Foreign Relations Vice Chairman Senator Francis Tolentino sa Department of Foreign Affairs (DFA) ang arbitral at Supreme Court ruling patungkol sa West Philippine Sea bago maisipang pumasok sa joint oil and gas exploration sa pagitan ng China.

Ayon kay Tolentino, bago maisipang pumasok sa partnership sa pagitan ng China ay dapat na isaalang-alang ng DFA ang 2016 The Hague Arbitral ruling na nagpapatibay na sakop ng exclusive economic zone (eez) ng bansa ang West Philippine Sea at ang pinakahuling Supreme Court ruling kung saan idinedeklarang unconstitutional ang 2005 Tripartite Agreement ng Joint Marine Seismic Undertaking (JMSU).

Binigyang-diin pa ni Tolentino na bago tangkain ng gobyerno na sumailalim sa exploration ng mga yaman at resources sa karagatang sakop ng ating EEZ sa ilalim ng kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at China ay dapat tumatalima ito sa mga probisyong nakapaloob sa 1987 Constitution.


Giit ng senador, hindi lang dapat makipag-usap ang bansa sa China kundi dapat ay mapaghandaan kung ano ang mga gagawin dito.

Pinatitiyak ni Tolentino na dapat ay kargo nila ang pagprotekta sa ating exclusive economic zone at nakasusunod dapat sa naunang desisyon ng Korte Suprema.

Dagdag pa ni Tolentino, dahil ang isyu ay patungkol sa foreign policy at national security, nararapat lang na isama ang Senado sa mga future exploratory talks sa pagitan ng China.

Facebook Comments