Inihayag ng Palasyo ng Malacanang na hindi balewala o walang saysay ang pagkapanalo ng Pilipinas sa Permanent Court of Arbitration the Hague kaugnay sa territorial dispute sa South China Sea.
Ito ang sinabi ng Malacanang sa harap narin ng mga banat laban kay Pangulong Duterte sa hindi umano paggamit dito o pagsusulong ng Karapatan ng Pilipinas sa pinagaagawang teritoryo.
Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Secretary Salvador Panelo, malaki ang papel ng Arbitral Ruling sa sitwasyon ngayon ng Pilipinas at China.
Paliwanag ni Panelo, ginagamit ito ng Pilipinas bilang basehan ng claim nito sa pinagaagawang teritoryo tulad ng historical basis na ginagamit naman ng China o ang tinatawag na nine dash line.
Binigyang diin din ni Panelo na hindi dinidiktahan ng China ang Pilipinas sa issue ng territorial Dispute at nagiingat lamang si Pangulong Rodrigo Duterte sa sitwasyon.