Arbitrary detention, naka-amba laban sa PNP

Humihingi ng patas na imbestigasyon ang Xinchuang Network Technology sa Philippine National Police (PNP).

Ito ay makaraang magkasa ng umano’y rescue operation ang PNP Anti-Cybercrime Group at NCRPO nitong Lunes ng gabi, June 26, 2023 sa Hong Tai Compound, 501 Alabang Zapote Road, Almanza Uno, Las Piñas City kung saan nasa mahigit 2,000 indibidwal na kinabibilangan ng mga Pinoy at banyaga ang kanilang dinakip dahil sa umano’y illegal POGO operation.

Ayon kay Ananias Christian Vargas ng Vargas Law Office, mahigit 72 oras ng hawak ng mga awtoridad ang mga biktima at bigo naman ang mga ito na magsampa ng anumang kaso na malinaw na paglabag sa kanilang karapatan at maituturing na arbitrary detention.


Sinabi pa ni Atty. Vargas, pinapirmahan ang foreign nationals ng mga dokumento na walang assistance mula sa kanilang abugado.

Nakatanggap din sila ng ulat na walong foreign nationals ang inabuso at sinaktan ng mga awtoridad at tatlo rito na pawang Chinese nationals ang nagtamo ng major injuries sa kanilang katawan.

Sa ngayon, lumiham na ang Xinchuang Network sa PNP para pagtuunan nila ng patas na imbestigasyon ang insidente.

Facebook Comments