ARCHBISHOP SOCRATES VILLEGAS, NANAWAGAN NA ‘HUWAG ISAWALANG-BAHALA ANG KAGANDAHANG-LOOB; SA PAG-UUMPISA NG ADBIYENTO

Hinimok ni Archbishop Socrates B. Villegas ng Archdiocese of Lingayen-Dagupan ang mga mananampalatayang katoliko na huwag ipagpaliban ang paggawa ng kabutihan, kasabay ng pagsisimula ng pagdiriwang ng unang linggo ng adbiyento, ang panahon ng paghahanda sa pagdating ni Hesus.

Sa kanyang mensaheng pang-adbyento, binigyang-diin ng arsobispo na ang oras ay isang biyayang ipinagkakaloob ng diyos at hindi pagmamay-ari ninuman. Dahil dito, madalas aniya na lumilipas ang maraming pagkakataon nang hindi nagagawa ng tao ang mga mabuti at makabuluhang bagay na dapat sana’y isinagawa agad.

Ayon kay Villegas, nakagawian na ng marami ang pagsasabing “bukas na lamang” pagdating sa paggawa ng kabutihan, ngunit paalala niya na ang tawag ng kabutihan ay laging umiiral sa kasalukuyang sandali. “ngayon, hindi bukas,” ang kanyang mariing pahayag, upang itanim sa puso ng bawat kristiyano ang kahalagahan ng agarang pagtugon sa mabubuting gawain.

Dagdag pa niya, ang unang linggo ng adbiyento ay paanyaya sa lahat na magnilay, magbago, at iwasto ang landas tungo sa pagdating ni Kristo. Paalala rin aniya ito na ang diyos lamang ang tunay na may-ari ng oras, kaya dapat itong gamitin sa mga gawaing nagdudulot ng kabutihan, pag-asa, at pag-ibig sa kapwa.

Ipinagdiriwang ng simbahang katoliko ang apat na linggo ng adbiyento bilang paghahanda sa kapanganakan ni hesus ngayong pasko. Sa panahong ito, hinihikayat ang mga mananampalataya na linisin ang puso, palalimin ang pananampalataya, at maging mas handa sa pagtanggap sa mesiyas.

Facebook Comments