ARCHDIOCESE OF LINGAYEN-DAGUPAN, TUTOL SA PAGTATAYO NG NUCLEAR POWER PLANT SA PANGASINAN

Mariing tinutulan ng mga Arsobispo at mga Obispo ng Archdiocese ng Lingayen-Dagupan ang planong pagtatayo ng nuclear power plant sa Western Pangasinan.

Sa pastoral letter na inilabas, iginiit ng mga Obispo na labis ang panganib ng proyekto lalo na’t ang lalawigan ay nasa “Ring of Fire” at madalas tamaan ng lindol at bagyo.

Binanggit ng simbahan na walang ganap na kasiguraduhan sa kaligtasan ng isang nuclear facility, at ang posibilidad ng isang malaking aksidente ay hindi umano katumbas ng anumang inaasahang benepisyo.

Kabilang sa pinakamabigat na pangamba ang usapin ng radioactive waste, na mananatiling delikado sa loob ng napakahabang panahon at maaaring maging pabigat sa susunod na henerasyon.

Hinimok ng mga Obispo ang pamahalaan na ituon ang pondo at atensyon sa renewable energy tulad ng solar at iba pang mas ligtas na alternatibo, na mas angkop sa pangmatagalang pag-unlad at pangangalaga sa kalikasan.

Inihayag pa ng mga Obispo na tungkulin ng kasalukuyang henerasyon na panatilihing ligtas ang Pangasinan mula sa anumang banta ng nuclear catastrophe at inuudyok ang publiko at mga mambabatas na pumili ng landas ng pag-iingat at kaligtasan.

Facebook Comments