Archdiocese of Manila, hinikayat ang publiko na magpahid na lamang ng dinasalang abo sakaling hindi makapunta sa simbahan sa Ash Wednesday

Hinikayat ng Archdiocese of Manila ang publiko na magpahid na lamang ng dinasalang abo kung hindi makakapunta sa mga simbahan sa Ash Wednesday.

Ayon kay Manila Archdiocese Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, maiging magpahid na lamang sa isa’t-isa ang mga pamilya ng dinasalang abo kung saan maaari nila itong isagawa sa mismong araw ng Ash Wednesday habang nanonood o nakikinig ng misa via online.

Sinabi pa ng Obispo na maaaring gamitin ang kahit anong uri ng tuyong dahon na sinunog para maging abo kung saan maaari ring kumuha ng abo sa mga simbahan na sapat sa pamilyang may limang miyembro.


Bukod dito, may mga simbahan na rin ang nagsimulang mamahagi ng binasbasang abo na nakalagay sa pakete.

Ang mga magpupunta naman sa simbahan sa araw ng Ash Wednesday ay ibubudbod na lamang sa kanilang ulo ang mga abo upang hindi magkaroon ng contact sa isa’t-isa.

Dagdag pa ni Bishop Pabillo, bagamat kinakailangan na mag-adjust dahil sa panahon ng COVID-19 pandemic, hindi pa rin dapat mawala ang kahulugan ng Ash Wednesday bilang panimula ng panahon ng kuwaresma.

Facebook Comments