Archdiocese of Manila, hinimok ang lahat ng religious leaders na makiisa sa gaganaping “Prayer for Healing” sa Miyerkules

Hinimok ng Archdiocese of Manila ang lahat ng civic at religious leaders sa bansa na makiisa sa gaganaping banal na misa sa Manila Cathedral sa Miyerkules, May 13.

Ayon kay Bishop Broderick Pabillo, Apostolic Administrator ng Manila Archdiocese, ang gaganaping misa ay kasabay ng paggunita sa ika-103 anibersaryo ng aparisyon ng Our Lady of Fatima.

Aniya, ang misa na tinawag na “Prayer for Healing” ay isasagawa bunsod ng kinakaharap na krisis dahil sa COVID-19.


Magsisimula ito sa ganap na alas-12:00 ng tanghali kung saan inaasahang dadalo ang kinatawan ng limang lungsod sa Metro Manila.

Kaugnay nito, naglabas naman ng guidelines ang Archdiocese of Manila sakaling payagan nang magsagawa ng misa.

Ilan sa mga inilatag sa nasabing guidelines ay ang pagkakaroon na ng kalahating oras na “gap” sa pagtatapos ng misa para may oras sa disinfection.

Kaunti na lamang din ang misa kada Linggo pero may misa tuwing weekdays kung saan ang anticipated mass tuwing Sabado ay magsisimula ng alas-3:00 ng hapon.

Ang mga magsisimba ay maaaring manatili sa itinalagang upuan upang mapanatili ang physical distancing at ang paghawak at pagpunas sa mga religious images ay ipagbabawal muna.

Wala rin munang holy water sa gilid at labas ng simbahan pero may mga hand sanitizers at foot bath sa entrance.

Higit sa lahat, ang mga magtutungo sa simbahan ay kinakailangan nakasuot ng face mask at ang kanilang temparatura ay susuriin bago pumasok ng simbahan.

Facebook Comments