Nilinaw ng Archdiocese of Manila na walang partikular na kandidato na inendorso si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle.
Ayon kay Fr. Roy Bellen ng Office of Communication ng Archdiocese of Manila, hindi mga pulitiko kundi ang proseso ng pagsusuri at pagninilay sa pagpili ng iboboto ang pinatutungkulan sa panawagan ni Cardinal Tagle sa inilabas na circular.
Sa nasabing circular, pinaalalahanan ni Cardinal Tagle ang mga mananampalataya sa kanilang tungkulin na maging bahagi sa pagbabago ng lipunan sa pamamagitan ng pagboto.
Nakapaloob sa circular ng Cardinal na dapat ay gamitin ang tungkulin at kapangyarihan sa pagboto sa pagpili ng mga kandidato na tunay na maglilingkod para sa kabutihan ng mas nakakaraming pinoy.
Hinikayat din ng Cardinal ang mga mananampalatayang botante na gamiting batayan ang prosesong ng pagninilay ng People’s Choice Movement- na pinangunahan ng Sangguniang Layko ng Pilipinas at Bishop Broderick Pabillo, chairman ng CBCP-Episcopal Commission on the Laity bilang gabay sa pagpili ng mga kandidato.