Archdiocese of Manila, nanawagan sa publiko na iwasan ang mga panawagang lumilihis sa Konstitusyon

Naglabas ng panawagan ang Archdiocese of Manila para maging mapagmatyag, kalmado, at mapanuri ang publiko sa gitna ng matinding krisis sa moral at espirituwal na nararanasan ng bansa.

Kasabay na rin ito ng isasagawang mga malawakang kilos protesta ng iba’t ibang grupo laban sa katiwalian at manawagan ng transparency at accountability sa pamahalaan.

Batay sa pastoral letter ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula, patuloy ang paglaganap ng maling impormasyon at mensaheng nagdudulot ng kalituhan lalo na sa social media.

Dahil dito, hinimok ng simbahan ang lahat na manatiling nakaangkla sa katotohanan at huwag magpadala sa mga panawagang lumilihis sa batas at sa Konstitusyon.

Pinaalalahanan din ang publiko na suriin ang bawat impormasyong natatanggap at iwasan ang pagpapakalat ng hindi beripikadong balita.

Dapat anilang pairalin ang katapatan, integridad, at makatotohanang paghuhusga.

Nanawagan din ang simbahan sa mga nasa sandatahang lakas, kapulisan, at lingkod-bayan na manatiling tapat sa kanilang tungkulin at sa Saligang Batas.

Sa huli, hinikayat ng kardinal ang publiko na ipagdasal ang Pilipinas na manaig ang integridad, katotohanan, at katarungan.

Facebook Comments