ARESTADO│MILF member, nakuwelyuhan ng PDEA sa Mindanao

North Cotabato – Hindi na nakapalag sa ikinasang ‘buy-bust’ operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang miyembro ng Moro Islamic Liberation Front na konektado sa pagpapakalat ng ilegal na droga sa Datu Piang Pigcawayan, North Cotabato.

Kinilala ang arestado na si Mohamad Macalimpas alias apis 47-anyos, nasa drug watchlist ng PDEA at nakatalaga sa 15th brigade ng 105th base command ng MILF.

Bukod kay Macalimpas, kasama rin sa nakuwelyuhan ang kasabwat nito na kinilalang sina Samsodin Balolong Kato at Noraida Samaon Alamada, 20-anyos.


Ayon kay PDEA Director-General Aaron Aquino, dumalo pa sa katatapos na Bangsamoro general assembly si Macalimpas kung saan nagpunta si Pangulong Rodrigo Duterte.

Idinagdag ni Aquino na matagal nang isinasailalim sa surveillance operation ang suspek dahil sa ilegal nitong aktibidad.

Bukod sa kalahating kilo ng shabu, nasamsam din sa MILF member ang isang norinco 9mm pistol na puno ng bala, dalawang cellphones at isang asul na Nissan urvan na pinaniniwalaang ginagamit nito sa pagbebenta ng ilegal na droga sa Mindanao region.

Facebook Comments