ARESTADO | 3 high profile drug pushers, natimbog sa raid sa Quezon City

Quezon City – Tatlong noturyus na drug pusher ang arestado matapos salakayin ng mga operatiba ng anti-illegal drugs operation ng QC Police District kanilang mga bahay sa Maginhawa Street, Barangay Malaya, Quezon City.

Bitbit ang search warrant, ni-raid ng mga tauhan ng QCPD Drug Enforcement Unit ang mga bahay na nagbunsod sa pagka-aresto ng mag-amang sina Ricardo De Luna at anak nitong si Richard De Luna, 32 anyos, at kapitbahay na si misis Marianne Dacua.

Ayon kay QCPD Chief Guillermo Eleazar, ang matandang De Luna ay dati na ring nakulong sa kasong may kinalaman din sa iligal na droga noong 2011.


Kabilang sa nasamsam ng mga otoridad sa dalawang bahay ang 50 sachet ng hinihinalang shabu, mga drug paraphernalia at isang homemade na cal. 45 at pitong bala.

Batay sa impormasyon ng QCPD, nagsisilbing drug den ang dalawang bahay ng mga suspek na pawang nasa drug watchlist ng Philippine Drug Enforcement Agency.

Naging emosyonal ang sitwasyon kanina matapos na mag iyakan ang anak na batang lalaki ni Richard habang yakap ang amang ipinoposas ng mga otoridad.

Ang operasyon ng QCPD DDEU ay ikinasa matapos makatanggap ng impormasyon na patuloy pa rin sa pagbebenta ng shabu ang mga suspek na sa kanilang bahay na rin nagpapagamit ng iligal na droga.

Facebook Comments