Pasig City – Arestado ang isang British national at drayber nito matapos salakayin ng mga tauhan ng PNP-CIDG Anti-Transnational Crime Unit bitbit ang search warrant, ang bahay ng dayuhan sa Valle Verde 5, Barangay Ugong, Pasig City kahapon ng tanghali.
Ayon kay PNP CIDG ATCU Chief Police Supt. Roque Merdeguia, nangyari ang pagsalakay alas-12:00 ng tanghali kahapon kung saan nakuha sa bahay ng suspek ang limang piraso ng kalibre 45 baril, mga bala, at mga patalim.
Kinilala ang dayuhan suspek na si Matthew George Marney, British national at drayber nitong si Rommel Catilo.
Bago ang matagumpay na operasyon, isinailalim muna sa ilang araw na surveillance ang bahay ng suspek matapos makatanggap ng impormasyong may mga itinatagong mga baril ang suspek.
Sa beripikasyon ginawa ng CIDG natukoy na walang lisensya ang mga baril na nakuha sa suspek.
Sa ngayon, ayon kay Merdeguia nagpapatuloy ang kanilang mas malalim na imbestigasyon upang matukoy kung miyembro ito nang anumang teroristang grupo.
Nakikipag-ugnayan na rin sila sa British Embassy upang mas makuha nila ang totoong pagkakakilanlan ng suspek at matukoy ang totoong ikinabubuhay ng mga ito sa bansa.
Sa ngayon, isasailalim na sa inquest proceedings sa Department of Justice para sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulations Act ang naarestong suspek.