Caloocan City – Naaresto na ng mga otoridad ang isa sa mga suspek na bumaril at pumatay sa isang dance instructor noong nakaraang taon sa Caloocan City.
Kinilala ang suspek na si Emmanuel Pacanza na nahaharap sa kasong robbery hold-up.
Ayon kay Chief Superintendent Greg Lim, Acting District Director ng Northern Police District (NPD), maliban sa kasong robbery hold-up ay may existing warrant of arrests rin ang suspek dahil sa 2 counts of murder.
Aminado naman si Pacanza na kasama siya sa grupong pumatay sa biktimang si Alejandre Ofialda Jr., pero hindi aniya siya ang bumaril dito.
Aniya, nag-iinuman sila noon nang nakursunadahan ng kanilang grupo na barilin ang dance instructor hanggang sa mamatay ito.
Sabi pa ni Lim, pinatay rin ng grupo ng suspek ang testigo sa krimen na si Benjie De Guzman.
Nabatid na kabilang si Pacanza sa grupong “suicide famous ghost gang”.
Nauna nang inaresto ng otoridad ang isa sa mga kasama ni Pacanza habang apat sa mga ito ang napatay sa operasyon.
Patuloy namang pinaghahanap ang isa pang suspek sa krimen.