‘Arestoaguinaldo’ ng PNP, ikinabahala ng CHR

Hindi nagustuhan ng Commission on Human Rights (CHR) ang isinasagawang “arestoaguinaldo” Philippine National Police (PNP) sa Cebu City.

Sa Christmas prank, kakatok sa mga bahay ang pulis at iaanunsyo ang isisilbing warrant of arrest.

Sa una mababahala ang subject ng prank pero lilitaw na bibigyan pala ang mga ito ng aguinaldo.


Ayon kay CHR Spokesperson Atty. Jacqueline de Guia, hindi nakakatuwa ang pakulo ng PNP dahil hindi biro-biro ang pagsisilbi ng arrest warrant.

Ito aniya ay isang law enforcement process na nangangailangan ng maingat na proseso alinsunod sa due process.

Dahil aniya mga otoridad ang gumawa ng prank, maaring nagdulot ito ng matinding takot at pagkapahiya sa mga naging target nito.

Hindi aniya biro ang epekto ng biro lalo’t mayroong nangyayaring red-tagging at isyu ng “nanlaban” cases sa anti-drug campaign.

Sa ngayon, dagdag pa ni De Guia, bagama’t ang intensyon ng mga pulis ay magpasaya, dapat aniya itong gawin sa paraan na hindi nagpapakita ng labis na kapangyarihan ang mga otoridad.

Facebook Comments