Manila, Philippines – Para kay Senator Risa Hontiveros, manipis ang argumento ni Pangulong Rodrigo Duterte kung bakit kailangan ang Martial law sa buong Mindanao bilang tugon sa krisis sa Marawi.
Ito ang inihayag ni Hontiveros matapos niyang mabasa ang 7 pahinang report na isinumite ni Pangulong Duterte sa kongreso.
Ayon kay Hontiveros, hindi nasagot ng Presidente kung bakit ang pagsasailalim sa Martial law ng buong Mindanao at suspensyon ng privilege of the Writ of Habeas Corpus ay “appropriate” at “proportional response” sa terorismo ng Maute group.
Kung tutuusin, ayon kay Hontiveros, ang buong report ay tungkol lamang sa Marawi at Lanao Del Sur.
Ipinunto pa ni Hontiveros ang pahayag ng Armed Forces of the Philippines (AFP), na unti-unti ng naibabalik ang Marawi sa kontrol ng pamahalaan.
Unti-unti na ring nasusukol ang teroristang Maute group at nalimitahan ang kaguluhan sa nasabing lugar.
Bunsod nito ay along tumibay paniniwala ni Hontiveros na sapat na ang “calling out power” ng presidente para i-mobilisa ang sandatahang lakas upang sugpuin ang “lawless violence, “invasion” at “rebellion” na hindi nagdedeklara ng martial law.
Ganito, ayon kay Hontiveros ang ginawa ng mga nakalipas na administrasyon sa Ipil at Lamitan at sa mga nagdaang kudeta kung saan nanaig ang AFP at pamahalaan.
DZXL558, Grace Mariano