Ari-arian ng high ranking official at dating elected official kabilang ang tatlong air assets, ipina-freeze ng AMLC

Ipinag-utos ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang pag-freeze sa ari-arian ng isang mataas na opisyal ng isang independent constitutional body at isang dating halal na opisyal ng gobyerno.

Ito ay matapos makakuha ang AMLC ng dalawang panibagong freeze orders kahapon kaugnay pa rin ng maanomalyang flood control projects.

Saklaw ng mga freeze order ang 230 bank accounts, 15 insurance policies, dalawang helicopter, at isang eroplano na nagkakahalaga umano ng humigit-kumulang ₱3.9 billion.

Ayon sa AMLC, nakitaan ang mga ari-arian ng posibleng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at Malversation of Public Funds and Property sa ilalim ng Article 217 ng Revised Penal Code.

Paliwanag ni AMLC Executive Director Matthew David, layon ng freeze orders na palawakin pa ang imbestigasyon upang matukoy kung may money laundering scheme na nag-ugat sa mga flood control project.

Sa kabuuan, umaabot na sa 3,566 bank accounts, 198 insurance policies, 247 sasakyan, 178 real properties, at 16 e-wallet accounts ang napapasailalim sa freeze orders na may tinatayang halagang ₱11.7 billion.

Facebook Comments