*Cauayan City, Isabela- *Narekober ng mga miyembro ng 86th Infantry ‘Highlander’ Battalion, Philippine Army ang isang mataas na kalibre ng baril at pampasabog sa kanilang isinagawang operasyon sa bulubunduking bahagi ng Sitio Ganipa, Brgy. La Conwap, Nagtipunan, Quirino.
Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan mula sa 86th IB, nadiskubre ng kasundaluhan ang isang kalibre ng baril, bala at gamit na pang bomba matapos na marespondehan ang kanilang natanggap na impormasyon mula sa dalawang concerned citizen nito lamang ika-siyam ng Agosto.
Narekober sa naturang lugar ang isang (1) M16A1, isang (1) Short Magazine, sampung (10) bala ng 5.56mm at dalawang Anti-Personnel Mines na pinaniniwalaang pagmamay-ari ng mga New People’s Army (NPA).
Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng 86th IB ang narekober na armas at bomba para sa kaukulang dokumentasyon at tamang disposisyon.
Samantala, nagpapasalamat naman si Lt/Col. Remigio Dulatre, Commanding Officer ng 86th IB sa mga mamamayan dahil sa pakikipagtulungan sa mga kasundaluhan na nagresulta sa matagumpay na pagkakarekober sa mga pinaniniwalaang armas ng mga rebelde.