Armas na ginamit at istilo ng pagpatay kay Mayor Halili, hindi dapat ibintang agad sa mga otoridad

Tanauan, Batangas – Para kay Committee on National Defense and Security Chairman Senator Gringo Honasan, mali na agad ibintang sa mga otoridad ang pagpaslang kay Tanuan City Mayor Antonio Halili dahil sa hinalang sniper ang pumatay dito at sopistikado ang armas na ginamit.

Katwiran ni Honasan, available sa merkado ang lahat ng magagandang kalibre ng baril tulad ng sniper rifle kaya hindi lang ang gobyerno ang maaring makabili nito.

Paliwanag pa ni Honasan, ang kakayahan sa paghawak ng sopistikadong baril ay maaring pag-aralang mabuti ninuman o pwede namang magbayad ng sniper ang utak ng krimen.


Ipinunto pa ni Honasan, na dahil sa pamamayagpag ng terorismo ay may mga pagkakataon na mas dekalidad pa ang armas ng mga terorista kumpara sa pwersa ng pamahalaan.

Bunsod nito ay pinagdadahan-dahan ni Honasan ang mga nagbubuhos ng sisi at bintang sa mga alagad ng batas dahil hindi aniya ito nakakatulong sa pagtupad ng mga ito sa trabaho at pagresolba sa isyu ng karahasan at tumataas na bilang ng patayan sa bansa.

Facebook Comments