Cauayan City, Isabela- Muling nakadiskubre ng matataas na armas ng New People’s Army (NPA) ang kasundaluhan ng 86th Infantry Battalion at kapulisan ng Echague Police Station sa Sitio Calabaguin, Barangay San Miguel, Echague, Isabela.
Sa pakikipagtulungan ng dating rebelde na si Alyas Popoy, itinuro nito sa mga otoridad ang lugar kung saan itinago ang kanilang armas matapos ang pagkamatay ng kanilang pinakamataas na lider na si alyas Yuni kung kaya’t narekober ang isang (1) M16 rifle at dalawang (2) ICOM na radio.
Kaugnay nito, hinihimok na rin ni alyas Popoy ang iba pang nagbalik-loob sa pamahalaan na isiwalat din sa kasundaluhan o kapulisan ang mga nalalaman na impormasyon hinggil sa mga itinatagong armas ng dati nilang inanibang grupo upang hindi na muling magamit sa pakikidigma.
Pinuri naman ni BGen Danilo D. Benavides PA, Commander ng 502nd Infantry Brigade ang tropa ng 86th Infantry Battalion at ang lokal na kapulisan sa kanilang patuloy na pagpupursige upang matuldukan ang insurhensiya sa buong nasasakupan ng 502nd Brigade at ng buong 5ID.
Pinasalamatan din ng Heneral si alyas Popoy sa kanyang pakikipagtulungan sa tropa ng pamahalaan.
Nasa pangangalaga na ng 86th Infantry Battalion ang narekober na armas at anumang araw ay ipapasakamay sa hanay ng kapulisan.