Para kay Bukidnon 2nd District Representative Jonathan Keith Flores, ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na ang dapat manguna sa pagbibigay proteksyon sa ating soberensya at ating teritoryo lalo na sa West Philippine Sea (WPS).
Pahayag ito ni Flores makaraang banggain ng Chinese Coast Guard ang ating resupply mission sa Ayungin Shoal kung saan may mga miyembro ng Philippine Navy ang nasugatan at ang isa ay naputulan pa ng daliri.
Ayon kay Flores, ang kalabisang ginawa ng China ay hudyat na dapat ang AFP na ang magsagawa ng resupply missions sa Ayungin Shoal habang ang Philippine Coast Guard naman ang tututok sa freedom of navigation at pangingisda ng ating mga kababayan.
Dagdag pa ni Flores, ang Marine science activities naman ay para sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) habang ang PNP Maritime Group ang mag-i-escort sa ating mga mangingisda at huhuli sa mga smugglers.
Kasama rin sa suhestyon ni Flores ang paglalagay mga bagong lighthouse at electronic buoys sa Kalayaan Island Group at mga karagatan sa bahagi ng Batanes, Ilocos Norte, at Cagayan.