Manila, Philippines – Naniniwala ang gobyerno na malapit ng matapos ang krisis sa Marawi City na sinalakay ng Maute group.
Ayon kay Armed Forces of the Philippines Spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla – bagama’t wala pa silang timeline – tiniyak ng kanilang mga ground commanders na malapit ng matapos ang problema.
Aniya, taliwas sa mga naglalabasang fake news, kontrolado na ng gobyerno ang lungsod maliban sa ilang lugar na kasalukuyan pang hawak ng mga terorista na subject ng clearing operations.
Kumbinsido naman ang AFP na nasa Marawi City pa si Isnilon Hapilon, ang Abu Sayyaf leader na siya ngayong “Emir” o namumuno ng ISIS sa Pilipinas.
Ani ni Padilla, batay sa kanilang impormasyon, hindi pa nakakalabas ng Marawi City si Hapilon at kasama pa rin ng Maute group.
Sa ngayon – mahigpit na bineberipika ng militar ang pagkakakilanlan ng bawat lumalabas at pumapasok sa Marawi City para maiwasang makalusot ang Maute members at makihalubilo sa mga sibilyan.
Samantala – nilinaw din ng Armed Forces na wala pa silang ebidensya na may foreign funding ang Maute terror group.
Magugunitang nanumpa ng suporta at pakikipag-alyansa ang Maute group sa ISIS habang ilang foreign terrorists din ang nakikipaglaban sa militar sa Marawi City.
* DZXL558*