Walang humpay ang ginagawang paghahatid ng relief assistance ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) government sa Internally Displaced Persons (IDPs) bunsod ng nagpapatuloy na krisis sa Marawi city sa pamamagitan ng ARMM-Humanitarian Emergency Action and Response Team (ARMM- HEART).
Sinabi ni ARMM-HEART Focal Person Ms. Myrna Jocelyng Henry, patuloy ang kanilang pagsubaybay sa kalagayan o sitwasyon ng mga bakwit upang matiyak na matugunan kaagad ang pangangailangan ng mga ito.
Ayon pa kay Ms. Henry, tuloy-tuloy din ang kanilang monitoring, validation at assessment sa IDPs.
Napag-alaman din mula kay Ms. Henry na aabot sa 53, 000 na IDPs ang may hawak na Disaster Assistance and Family Access Card (DAFAC).
Ang DAFAC ay mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), ginagamit ito upang masiguro ang patas at napapanahon na distribusyon ng relief packs sa mga bakwit, nagsisilbi rin itong sanggunian ng mga kinakailangan interbensyon.
Ipinaliwanag din ni Ms. Henry na ang tinututukan lamang ng ARMM government ay ang IDPs na nasa loob ng lalawigan ng Lanao del Sur, samantalang inaatupag naman ng host municipalities ang mga IDP na lumikas sa kanilang lugar.
Ito anya ang napagkayarian ng ARMM government at ng mga kalapit rehiyon nito.
Samantala, patuloy din ang pagtanggap ng donasyon ng ARMM-HEART mula sa iba’t-ibang mga organisasyon. (DAISY MANGOD-REMOGAT)
ARMM-HEART, patuloy ang monitoring, assessment at validation sa IDPs sa Marawi City!
Facebook Comments