Cauayan City, Isabela- Namahagi ng pangkabuhayan ang Department of Trade and Industry (DTI) Abra katuwang ang 24th Infantry Battalion sa mga dating rebelde at mga biktima ng kalamidad sa ilalim ng programang Pangkabuhayan sa Pagbangon at Ginhawa sa Sitio, Barbarit, Brgy. Tagodtod, Lagangilang, Abra noong ika 25 ng Agosto 2020.
Ayon kay Lt. Colonel Ulysis V. Laude, Battalion Commander ng 24IB, kasama sa nasabing programa ang ibat-ibang ahensya ng gobyerno tulad ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of Interior and Local Government (DILG), Provincial Social and Welfare Development Office (PSWDO), Office of the Provincial Agriculture (OPAG), Office of the Provincial Veterinary (OPVET) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).
Ang Pangkabuhayan sa Pagbangon at Ginhawa na programa ng DTI ay naglalayon na tulungan na maiangat ang estado ng buhay ng mga mamamayan at mabigyan ng negosyo para makatulong sa kanilang pang araw-araw na pangangailangan.
Kabilang sa mga nakatanggap ng nasabing pangkabuhayan ay mga dating rebelde, mga naapektuhan ng kalamidad tulad ng nasunugan ng ari-arian, nasira ang kabuhayan dahil sa pinsala ng mga nagdaang bagyo, at sinama na rin ang mga pamilya ng mga katutubong dating kasapi ng CAFGU.
Ang bawat benepisyaryo ay nakatangap ng mga poultry at hog supplies at sari-saring grocery items na nagkakahalaga ng tig-sampung libong piso (PhP10,000.00) bawat isa.
Pinuri naman ni Brigadier General Audrey Pasia, Commander ng 702nd Brigade ang programang pangkabuhayan na inilaan para sa mga dating rebelde at biktima ng kalamidad na lubos na makakatulong sa kanilang pagbabagong buhay.