Personal na nakiramay si Philippine Army (PA) Chief Lt. Romeo Brawner Jr., sa pamilya ng mga sundalo na nasawi sa shooting incident nitong Sabado na naganap sa 4th Infantry Division (4ID) Headquarters sa Camp Evangelista sa Cagayan de Oro City.
Nagbigay rin ng tulong pinansyal si Gen. Brawner sa naulilang pamilya ng mga biktima.
Kasunod nito, binista rin ni Brawner ang sundalong sugatan sa insidente na nagpapagaling sa Camp Evangelista Station Hospital.
Una nang bumuo si 4th ID Commander Maj. Gen. Wilbur Mamawag ng isang Board of Inquiry para makipagtulungan sa PNP para sa isinasagawang imbestigasyon.
Base sa inisyal na impormasyon, nasawi ang apat na sundalo nang bigla nalang nag amok at pinagbabaril ng kanilang kapwa sundalo sa loob ng kanilang barracks habang natutulog.
Sugatan at nasa kritikal na kondisyon naman ang isa pang sundalo matapos magtamo ng tama ng baril sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.
Samantala, inilagay na sa half-mast ang watawat sa 4th Infantry Division Headquarters sa Camp Evangelista sa Cagayan de Oro City dahil sa nasabing insidente.