Hindi nagpahuli at tumulong din sa pagsasagawa ng Humanitarian Assistance and Disaster Response (HADR) efforts ang Army reservists sa ilang lugar sa Northern Luzon na matinding binayo nang nagdaang Bagyong Egay.
Kabilang sa mga tumulong ay ang 1st Regional Community Defense Group (1RCDG) na kasama sa Search, Rescue, and Retrieval Operation sa 3 casualties at 1 nawawalang indibidwal sa Ilocos Sur.
Maging ang 2nd Regional Community Defense Group (2RCDG) ay tumulong sa pagdadala at pamamahagi ng relief goods sa lalawigan ng Cagayan.
Nabatid na ang HADR mission ay isinagawa ng Army reservists katuwang ang Provincial and Municipal Disaster Risk Reduction and Management Offices, Philippine Coast Guard (PCG), Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine National Police (PNP) at Rural Health Unit.
Kasunod nito, binigyang papuri ni AFP Chief of Staff, Commanding General, Philippine Army Gen. Romeo Brawner Jr. ang Regional Community Defense Groups na nagtulong-tulong sa pagsasagawa ng relief missions sa mga naapektuhan ng Bagyong Egay.