ARNAIZ – DE GUZMAN CASE | 2 pulis Caloocan na sangkot sa pagpatay, pinaaaresto na ng korte

Manila, Philippines – Ipinaaaresto na ng Caloocan RTC Branch 122 ang dalawang pulis na kinasuhan ng Department of Justice dahil sa pagpatay sa teenagers na sina Carl Angelo Arnaiz at Reynaldo “Kulot” de Guzman.

Partikular na ipinaaaresto ng korte sina PO1 Jeffrey Perez at PO1 Ricky Arquilita.

Ang dalawang pulis na sinasabing nasa kustodiya ng NCRPO sa Camp Bagong Diwa ay kinasuhan ng DOJ ng two counts ng murder dahil sa pagpatay kina Arnaiz at De Guzman.


Sina Perez at Arquilita rin ay kinasuhan ng planting of evidence sa ilalim ng Section 38 ng Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunitions Regulation Act at planting of evidence sa ilalim ng Comprehensive Dangerous Drugs Act dahil naman sa mga itinanim na marijuana at shabu sa mga biktima.

Ipinagharap din sina Perez at Arquilita ng two counts ng torture.

Walang inirekomendang piyansa si Presiding Judge Georgina Hidalgo para sa pansamantalang paglaya ng dalawang pulis.

Facebook Comments