Arraignment kay Senator De Lima, ipinagpaliban ng korte

Manila, Philippines – Ipinagpaliban ang nakatakdang arraignment o pagbasa ng sakdal laban kay Senator Leila de Lima na nahaharap ngayon sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 o Republic Act 9165.

Ito ay makaraang umapela ang nakaditeneng senadora sa korte dahil sa nakabinbin pa nitong mosyon sa Korte Suprema kaugnay ng pagkwestyon nito sa ipinalabas na mandamyento de aresto ni Muntinlupa City Regional Trial Court Branch 204 Judge Juanita Guerrero.

Sa halip, itinakda sa January 24, 2018 ang arraignment kay De Lima.


Nais din ng senadora na mag-inhibit sa paghawak ng kanyang kaso si Judge Guerrero dahil umano sa lack of independence, cold neutrality, at impartiality.

Samantala, sa amended information na isinumite ng Department of Justice (DOJ) sa Muntinlupa RTC inalis na bilang co-accused ni De lima si dating Bureau of Corrections officer-in-charge Rafael Ragos at tanging si Ronnie Dayan na lamang na dati umano nitong boyfriend at bodyguard driver ang kasama sa charge sheet.

Ayon sa DOJ, itinuturing na nila ngayon si Ragos bilang isang testigo.

Binibigyan naman ang senadora ng 10 araw para magkomento sa motion for amended information na isinumite ng DOJ.

Facebook Comments