Arraignment laban sa pangunahing akusado sa Degamo murder case, sinuspinde ng Manila RTC

Sinuspinde ng Manila Regional Trial Court (RTC) ang pagbasa ng sakdal sa pangunahing akusado sa pagpaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo na si Marvin Miranda.

Ito ay matapos katigan ng hukom ang inihaing motion to quash information ng kampo ni Miranda.

Batay sa ipinalabas na order ni Manila RTC Branch 51 Judge Merianthe Pacita Zuraek, inatasan ang prosecution na magsagawa ng preliminary investigation sa kaso laban kay Miranda at kailangan itong tapusin sa loob ng 60 araw.


Ipinag-utos din ng hukom na manatili si Miranda sa kostudiya ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).

Ayon sa korte, kailangang sumalang sa preliminary investigation ng DOJ si Miranda bilang bahagi ng due process.

Sa oras na mapatunayan ng prosekusyon na may probable cause ay maaari pa ring isampa ang kaso laban kay Miranda sa korte.

Facebook Comments