Monday, February 9, 2026

Arraignment nina ex-Sen. Bong Revilla at DPWH engineer Juanito Mendoza, ipinagpaliban; mga kapwa-akusado, naghain ng not guilty plea sa kasong malversation kaugnay ng ghost flood control project sa Pandi, Bulacan

Muling ipinagpaliban ang sana’y arraignment o pagbasa ng sakdal ni dating senador Ramon “Bong” Revilla Jr. ngayong umaga para sa kasong malversation.

Ito ay matapos magpasa ang kampo nito ng urgent motion for inhibition dahil umamin si Justice Karl Miranda na kaibigan niya ang isa sa mga legal counsel ni Revilla na si Ramon Esguerra noong January 23.

Dahil dito, kinakailangang magkomento sa mosyon ng akusado ang prosekusyon hanggang ngayong araw, February 9.

Nakatakdang isagawa ang arraignment ng dating senador sa susunod na Lunes, February 16 sa Sandiganbayan Third Division.

Bukod kay Revilla, kasabay niya ring babasahan ng sakdal si Department of Public Works and Highways (DPWH)–Bulacan First District Engineer Office Accountant Juanito Mendoza dahil sa nakabinbin nitong motion for reconsideration.

Samantala, naghain naman ng not guilty plea para sa kasong malversation ang mga opisyal ng DPWH Bulacan First District na sina Assistant District Engineer Brice Hernandez, Engineer Jaypee Mendoza, Engineer RJ Domasig, Engineer Emilita Juat, at Cashier Christina Pineda.

Dahil dito, inatasan ng korte ang prosekusyon na magsumite ng pre-trial brief sa Biyernes, February 13, habang nakatakda naman ang pagpapasa ng pre-marked na ebidensya ng prosekusyon sa kampo ng mga akusado mula February 16 hanggang 20. Sisikapin namang simulan ang pre-trial sa February 25.

Facebook Comments