Manila, Philippines – Ihaharap ng prosekusyon ang kanilang mga testigo laban kay Senadora Leila De lima upang patunayan ang pakikisabwatan nito sa mga drug lords ng Bilibid hinggil sa pagkalat ng ilegal na droga sa NBP noong ito pa ang kalihim ng DOJ.
Ito na ang pre-trial para sa kaso ng senadora matapos maghain ang Muntinlupa RTC B206 ng not guilty plea kay De Lima at iba pa nitong kapwa akusado.
Kanina tinutulan pa ng kampo ng senadora ang dami ng mga testigo ng prosekusyon at inihirit kay Judge Lou Navarro Domingo na limitahan lamang ang bilang ng mga ihaharap na testigo.
Katwiran ng abugado ni De Lima unfair para sa senadora dahil napakadami ng mga testigo ng prosekusyon gayong napaka tagal na nitong nakapiit o mahigit isang taon na dahil sa umano ay salang hindi naman nito ginawa.
Pero sinopla ito ni Judge Navarro at sinabing may free will ang prosekusyon kung ilan ang ihaharap nilang mga testigo para patunayang totoo ang naganap na drug proliferation sa Bilibid.
Sa ngayon mayroon nang nasa 40 testigo ang prosekusyon kung saan kada linggo ay may haharap sa pre-trial at magsisimula ito sa August at magtatapos sa October 2019.