ARTA, kinasuhan ang ilang opisyal ng LTFRB at Registry of Deeds dahil sa paglabag sa anti-red tape law

Sinampahan ng reklamo ng Anti-Red Tape Authority o ARTA ang LTFRB pati na rin ang Region 11 Registry of Deeds dahil sa paglabag sa Anti-Red Tape Law.

Ito ang kauna-unahang kaso na isinampa ng ARTA simula nang matapos ang IRR noong Agosto 4 para habulin at panagutin ang mga tanggapan ng gobyerno na nagpapabaya sa trabaho o may ginagawang anomaly.

Base sa dokumento na hawak ni ARTA Director General Jeremiah Belgica, kabilang sa kinasuhan ang 3 opisyal ng LTFRB sina Joel De Jesus, Bolano Division Head Technical; Atty. Samuel Jardin Division, Head Legal; Benita de Guzman, Division Head Finance; at isang kahera ng Registry of Deeds sa Davao na si Loleta Taleon.


Naging basehan sa reklamong Ease of Doing Business ang mabagal na proseso ng LTFRB sa TNVS habang nasaksihan mismo ni Belgica na nag lunch break ang kahera ng ROD sa Davao.

Kapag napatunayang lumabag, kasong administratibo ang kakaharapin na may suspensyon ng 6 na buwan.

Sa pangalawang paglabag, criminal at administratibo na ang kakaharapin  kung saan maaaring matanggal sa serbisyo, hindi na papayagang humawak ng anomang posisyon sa gobyerno, walang  matatanggap na benipisyo sa pagreretiro, makukulong ng 1 hanggang 6 na buwan at maaaring magmulta ng mula 500,000 piso hanggang 2 milyong piso.

Facebook Comments