Pinabubuwag ni Ombudsman Samuel Martires ang Anti-Red Tape Authority (ARTA).
Ito ang isiniwalat ni Martires sa pagdinig ng House Committee on Justice kahapon nang tanungin ni Negros Occidental 4th District Rep. Juliet Ferrer and kaniyang dalawang legislative agenda para sa Office of the Ombudsman.
Ayon kay Martires, ikalulugod ng kaniyang tanggapan ang pag-amyenda o pagsasawalang-bisa ng ARTA law na isa umanong unconstitutional law dahil sa inaagawan o nnaghihimasok ito sa kapangyarihan ng Ombusdman.
Batay sa Section 13, Article XI ng 1987 Constitution, kabilang sa kapangyarihan at tungkulin ng Office of the Ombudsman ay ang pagtukoy sa dahilan ng inefficiency, red tape, mismanagement, fraud at corruption sa gobyerno and gumawa ng rekomendasyon para sa pagtanggal ng mga sangkot na indibidwal.
Noong 2018 ay pinirmahan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang Anti-Red Tape Act dahilan para mabuo ang ARTA bilang attached agency ng Office of the President, taliwas sa Office of the Ombudsman na isang independent body.
Dahil dito ay susulat si Martires kina House Speaker Martin Romualdez, Senate President Juan Miguel Zubiri at kay Ferrer para sa pagbuwag ng naturang ahensya.
Samantala, kabilang din sa legislative agenda ng Ombudsman ay ang pag-amyenda sa bagong Sandigan Law partikular ang probisyong paghahain ng anti-graft cases sa isang opisyal sa mga regional trial court.