Magsasagawa na ng sariling inisyatibo ang Anti-Red Tape Authority (ARTA) para hanapan ng solusyon ang problema sa implementasyon ng Radio-Frequency Identification system (RFID).
Sinabi ni ARTA Director General Atty Jeremiah Belgica na bahagi ng kanilang mandato na tugunan ang mga problema na may direktang epekto sa publiko.
Hindi lang aniya sa pagsasampa ng kaso ang kanilang mandato kundi sa paghahanap ng mga solusyon sa bawat problemang kinakaharap ng publiko at mga ahensya ng gobyerno.
Ipatatawag ng ARTA ang Valenzuela City Local Government Unit (LGU) at mga kinatawan ng Toll Regulatory Board (TRB) upang ilatag ang mga rekomendasyon kung papaanong tutuldukan ang problema sa RFID.
Una ng sinabi ni Mayor Rex Gatchalian, hindi nila aalisin ang suspension ng Business Permit ng NLEX Corporation hangga’t hindi naaayos ang mga problema sa sensor at pagkakabit ng RFID stickers.
Sabi naman ni Atty. Romulo Quimbo Jr., ng Metro Pacific Tollways Corporation (MPTC), ang operator ng NLEX, handa silang dalhin sa korte ang legalidad ng suspension ng kanilang Business Permit upang kwestyunin ito.