Sinisi ng Malacañang ang National Food Authority kaugnay sa pagkakaubos na ng stock ng NFA rice sa Metro Manila at ilang probinsya.
Sa press conference sa palasyo, direktang sinabi ni Cabinet Secretary Leoncio Evasco na ang NFA ang gumawa ng tinawag nilang “artificial shortage” sa bigas dahil sa mga ipinapalabas na maling impormasyon ng ahensya na hindi alam ng pamunuan.
Diin ni Evasco – dahil sa maling balita sa NFA shortage, binibigyan nito ng pagkakataon ang mga rice traders na itago ang mga stock nilang bigas at magtaas ng presyo.
Sinabi din ni Evasco, hihintayin pa nilang matapos ang gagawing audit ng Commission on Audit sa operasyon ng NFA mula noong Oktubre hanggang Disyembre ng nakaraang taon bago gumawa ng rekomendasyon sa Pangulo kung ano ang dapat gawin kay NFA Administrator Jason Aquino.
Paliwanag ni Evasco Si Pangulong Rodrigo Duterte lamang ang may kakayahan na sibakin sa pwesto si NFA administrator Jason Aquino.
Nakatakda naman makipag-usap bukas si Pangulong Duterte sa mga rice traders.