Artist Sketch ng 2 sa 6 na suspek sa pagpaslang kay Cong. Batocabe, inilabas na

Bicol – Inilabas na ng PNP-Region 5 Special Investigation Task Group (SITG) Batocabe ang artist scketch ng dalawa sa anim na pumatay kay Ako Bicol Rep. Rodel Batocabe.

Base sa paglalarawan, ang isa sa mga suspek ay nasa 40-anyos, 5’6” hanggang 5’8” ang taas, payat, maitim, may peklat sa kanang pisngi, nakasuot ng faded na 6-pocket na maong shorts, itim na t-shirt at t-shirt.

Ito umano ang nagsilbing driver ng motorsiklo noong gawin ang krimen.


Hindi naman nakasaad kung ano ang naging partisipasyon ng ikalawang suspek na tinatayang nasa 30-anyos, may taas na 5’4” hanggang 5’6”, kayumanggi at katamtaman ang pangangatawan.

Ang mga artist sketch ay ginawa ng National Bureau of Investigation.

Samantala, sa interview ng RMN Manila, una nang kinumpirma ni Senior Insp. Maria Luisa Calubaquib na may hawak na silang mga larawang kuha sa dinaluhang gift giving event ni Cong. Batocabe.

Ilan aniya sa mga larawan ay posibleng nahagip ang mukha ng gunman.

Samantala, bagama’t walang ibinigay na deadline, tiniyak ng SITG-Batocabe na ginagawa nila ang lahat para mapanagot agad ang gunman at mastermind sa krimen.

Facebook Comments