UPDATE: Asawa ng Pinatay na Ginang sa Roxas, Suspek na rin!

2926

Dalawang tanong ngayon ng NBI Isabela ang basehan kung bakit suspek na rin ang asawa ng pinatay na ginang ng isang kalaguyo sa Roxas, Isabela.

Ito ang sinabi ni NBI Isabela Provincial Director Timoteo Rejano sa panayam sa kanya ng 98.5 Mhz RMN Cauayan sa programang Straight to the Point.

Ang tanong ni Director Rejano ay bakit isang minuto lamang ang kabuuang oras ng pag-akyat hanggang sa pagtalilis ng suspek na si Vina Rose Santiago sa pinangyarihan ng krimen ng pamamaslang.

At bakit hindi magkatugma ang naunang sinabi ng asawa ng biktima na si Darius Diego na siya umano ay nasa bahay na nagluluto ng lugaw kumpara pagkakahagip sa kanya ng CCTV malapit sa lugar na pinangyarihan ng krimen.

Magugunita na nangyari ang pananaksak kay Kristin Diego noong Pebrero 28 isang araw matapos nagtagpo sa Aloja Hotel sa Burgos Isabela sina Darius Diego, asawa ni Kristin at ang suspek na si Vina Rose Santiago na kalaguyo umano ni Darius.

Batay sa pagtunton ng PNP Roxas at NBI, ay nakalipad noong Marso 1, 2019 papuntang Saudi si Vina Rose Santiago bilang isang nurse doon.

Nagpasabi na rin ang abogado ni Vina Rose na nakatakda sanang pabalik ito sa Pilipinas kahapon.

Ayon pa sa NBI ay dalawang abogado ngayon na kumakatawan kay Darius ang nakikipag-ugnayan sa NBI kaugnay sa kaso.

Nabanggit din ni Director Rejano na hindi pa tumutugon si Darius Diego sa nais ng NBI Isabela na pagpapasailalim sa kanya sa lie detector test.

Facebook Comments